Tatlong residente ang nasawi sa Talayan, Maguindanao del Sur matapos makaranas ng pagsusuka, pagdudumi at panghihina, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules.
Bukod sa mga nasawi, 21 iba pa ang isinugod sa ospital dahil sa parehong sintomas.
Tinitignang sanhi ng pagkakasakit ng mga residente ang iniinom na tubig mula sa poso.
Ayon sa Integrated Provincial Health Office ng lalawigan, lumalabas na cholera ang tumama sa mga biktima.
Nagkaroon daw ng fish kill sa ilog kung saan malapit ang posong pinagkukunan ng tubig ng mga residente. Doon din daw itinatapon ang mga pinaghugasan ng mga pesticide.
Sa nasabing ilog din daw naghuhugas ng mga pinagkainan ang mga residente, naliligo at dumudumi.
Dahil sa insidente, namigay muna ng inuming tubig ang lokal na pamahalaan sa mga residente.
Nagpadala na rin ang health office ng Department of Health ng sample ng tubig para sa mas malalim na imbestigasyon. —KBK, GMA Integrated News