Nagsuntukan ang ilang kabataan sa kalsada habang sinasalubong ang bagong taon sa isang barangay sa Davao City.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Martes, ipinakita ang video footage na kuha dakong 12:18 am noong Lunes habang nagkakasiyahan ang mga kabataan sa Kilometer 5 sa Barangay Matina Crossing.
Hinaharang pa ng ilang kabataan na mula sa Purok 2 at Purok 3, ang mga dumadaan na sasakyan para sa kanilang dance challenge.
Pero hindi nagtagal, nagkaroon na ng suntukan.
Mabuti na lang at nasa lugar si Jonathan Pansoy, operation head, peace and order ng barangay para maawat ang mga kabataan.
Nagsimula raw ang gulo nang mayroong mambato sa isang grupo.
Nang dumating ang mga pulis para dalhin sa presinto ang mga sangkot sa rambol, nagkaroon naman ng sigawan ang mga kaanak ng mga sangkot na kabataan.
Isang 20-anyos na lalaki ang nasa kostudiya ng mga awtoridad na sinasabing nanuntok sa isang menor de edad.
Nahaharap siya sa reklamong physical injuries in relation to Republic Act 7610 o child abuse law.-- FRJ, GMA Integrated News