Nasawi ang isang pulis nang pumutok at tamaan siya ng baril na kaniyang nililinis sa loob ng kaniyang bahay sa Bansalan, Davao del Sur.
Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Martes, kinilala ang biktima na si Patrolman Jhaniel Pepito, nakadestino sa Second Davao del Sur Provincial Mobile Force Company.
Ayon sa ina ng biktima, nakita niya ang kaniyang anak na nililinis ang baril nito sa kuwarto. Pero pagkaraan ng ilang saglit ay nakarinig na lang siya ng putok ng baril.
Nang puntahan niya ang kaniyang anak, nakita niyang duguan ito na nakasandal sa kama.
Dinala pa ang pulis sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News