Pumanaw sa mismong araw ng Pasko ang isang batang walong-taong-gulang na nasagasaan ng ambulansya sa Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Rizal sa bayan ng Silay noong bisperas ng Pasko.

Ayon sa pulisya, maghahatid ng pasyente ang ambulansya sa Bacolod City nang bigla umanong tumawid ang bata.

Isinugod ang bata sa ospital pero pumanaw siya sa araw mismo ng Pasko dahil matinding sugat na tinamo sa ulo.

Sumuko naman ang driver ng ambulansya at nagkausap na umano ang magkabilang panig.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya ng bata, habang nakalaya na ang driver. -- FRJ, GMA Integrated News