Nasawi ang isang rider matapos na sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo sa Pozorrubio, Pangasinan. Ang biktima, tumama ang mukha sa barbed wire.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Rosario na bigla na lang sumemplang mag-isa ang motorsiklo ng biktima.

Dahil mabilis ang takbo ng motorsiklo, tumilapon ang rider at may nasagi pang tricycle na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Ayon sa pulisya, tumama sa barbed wire ang mukha ng biktima at nasawi.

"Nag-slide yung motor niya and then sa kasawiang palad, tumama siya sa barbed wire na kung saan nagtamo siya ng grabeng sugat sa mukha," sabi ni Police Captain Philip Pulmano, deputy chief ng Pozorrubio police station.

Samantala, nahuli-cam naman sa Barangay Alipangpang sa  Pozorrubio pa rin, ang pagkakakaladkad ng kotse sa isang 57-anyos na lalaki.

Ayon kay Pulmano, nasawi ang biktima dahil sa tinamo nitong mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Lumabas umano sa imbestigasyon na tatawid sana ang biktima nang mahagip ng kotse at makaladkad ng ilang metro. -- FRJ, GMA Integrated News