Patay ang isang construction worker sa bayan ng Plaridel sa Quezon matapos siyang pagsasaksakin dahil sa lutong manok.

Nagtamo ng 16 na saksak ang biktima ayon sa mga pulis, sa ulat ni Nico Waje sa Balitanghali nitong Miyerkoles.

Ang suspek ay nakilalang isa ring construction worker na kainuman ng biktima.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, hindi raw nagkaintindihan ang biktima at suspek tungkol sa pagluluto ng manok na napanalunan ng suspek sa sabong.

Matapos ang pananaksak, agad tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.

Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek.

Desidido naman ang mga kaanak ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek. —KG, GMA Integrated News