Nasawi ang isang batang limang-taong-gulang matapos masunog ang kanilang bahay sa Antipolo City.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng chairman ng Barangay Cupang na sugatan ang ama ng biktima matapos na tangkaing sagipin ang kaniyang anak.

Hindi bababa sa 17 bahay ang napinsala sa sunog, at 21 pamilya ang apektado.

Ayon sa awtoridad, napabayaang kandila ang hinihinalang pinagmulan ng apoy.

Sa Maasim, Southern Leyte, nasawi rin sa sunog ang isang lalaki na bumalik pa raw sa bahay sa kalagitnaan ng sunog.

Mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa 22 kabahayan.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, palyadong linya ng kuryente ang hinihinalang pinagmulan ng sunog.-- FRJ, GMA Integrated News