Lima ang nasawi, at tatlo ang sugatan nang sumalpok ang isang MPV sa kasalubong na truck sa Sto. Tomas City, Batangas.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras Weekend," makikita ang matinding pinsala na umabot ng MPV sa nangyaring banggaan nitong madaling araw ng Sabado.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang limang sakay ng MPV. Tatlo naman ang sugatan, kabilang ang driver ng MPV.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rodel Ban, hepe ng Sto Tomas Police, batay sa pahayag ng isang nakaligtas ay "parang nakikita na nilang nakakatulog yung driver."
"Nagulat na lang sila na sa bilis ng takbo ay sinalpok na lang niya yung nakasalubong nilang relay truck," sabi ni Ban.
Tumangging magsalita ang sugatang driver, pero sinabi ng kaniyang kapatid na itinanggi ng driver na nakatulog siya.
Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng truck na nagulat sa nangyari dahil bigla umano pumasok sa linya ng kaniyang dinadaan ang MPV.
Hindi na raw niya naiwasan ang MPV dahil lubhang malapit na ito sa kaniya.
Gayunman, humingi ng paumanhin ang driver ng truck sa nangyari at kakausapin umano niya ang may-ari ng truck para magbigay ng tulong sa mga namatayan.
Sa Cavite naman, isang menor de edad ang nasawi at comatose ang kaniyang ama matapos silang masangkot sa karambola ng walong sasakyan.
Kabilang naman ang ina ng menor de edad sa anim na sugatan.
Ayon sa mga awtoridad, nag-umpisa ang karambola nang mabangga ng isang bus na nawalan umano ng preno ang isang van.
Sasagutin umano ng kumpanya ng bus ang gastusin ng mga biktima.
Isang bus din ang pinagmulan ng karambola ng anim na sasakyan sa SCTEX . Mabuting walang nasawi o nasaktan sa naturang insidente. -- FRJ, GMA Integrated News