Matinding kalungkutan ang nararamdaman ng isang ina na overseas Filipino worker na kauuwi lang ng bansa dahil sa pagkamatay ng kaniyang anak na bumangga sa concrete barrier ang minamanehong motorsiklo sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, napag-alaman na umuwi ng Pilipinas ang OFW na si Rachel Carbonnel para sorpresahin ang anak ngayong pasko.
"Ang hirap… ang sakit kasi magpapasko kaming wala siya. Akala ko ako ang mag-surprise sa kaniya, ngayon ako pala ang sorpresahin niya," malungkot na pahayag ng ginang.
Nasawi ang anak ni Rachel na si Charles nang malaman ito ng kontrol sa minamanehong motorsiklo sa Angalacan Road sa Barangay Pogo sa Mangaldan.
"Kasalukuyan silang nagpapatakbo ng motor papuntang San Fabian, ngayon, na-lose balance [sila] kaya nabangga ang concrete barrier," ayon kay Police Captain Vicente Abrazaldo, Jr., deputy chief ng Mangaldan Police Station.
Samantala, nahuli-cam naman sa Ilagan City, Isabela, ang pagsalpok ng isang motorsiklo sa papalikong tricycle sa Barangay Baligatan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente na ikinasawi rin ng rider.
Nasawi naman ang isang 63-anyos na lalaki na nagbibisikleta matapos na ma-hit and run siya ng isang tricycle sa Dagupan city, Pangasinan.
Nanawagan ang kaanak ng biktima na mahuli ang driver ng tricycle para papanagutin sa nangyaring insidente.--FRJ, GMA Integrated News