Patay ang isang lalaki na nag-amok at nanaksak ng isang pulis matapos siyang barilin ng iba pang rumespondeng mga pulis sa Banate, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ng kapulisan na sinita nila at pinauwi ang lalaki dahil may dala itong kutsilyo.

Sandaling lumayo ang lalaki, ngunit bumalik ito na agresibo na at hinabol ang mga pulis.

Maya-maya pa, isa sa mga pulis ang nadapa at nasaksak sa likod ng humahabol na lalaki.

Dito na nagdesisyon ang iba pang pulis na barilin ng lalaki sa pagiging bayolente umano nito.

Kinuwestiyon ng mga kaanak kung bakit kailangang patayin agad ang lalaki.

Ayon pa sa kanila, 10 taon na ring may problema sa pag-iisip ang lalaki.

Hindi pa nagdedesisyon ang pamilya kung maghahabla sila, habang handa namang humarap ang mga pulis.

Isang sibilyan din ang tinamaan ng ligaw na bala. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News