Nahuli-cam ang ginawang pagsalakay ng mga armadong lalaki sa isang pawnshop sa Cebu City nitong Sabado ng umaga. Sa follow-up operation, dalawa sa mga suspek ang naaresto ng mga pulis.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nagpanggap umanong tauhan ng National Bureau of Investigation ang apat na lalaki na dinis-armahan ang security guard ng pawnshop.
Wala pang dalawang minuto, umalis na ang mga salarin tangay ang hindi pa tiyak na halaga ng mga alahas sakay ng dalawang motorsiklo.
Sa ulat naman ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dalawa sa mga suspek ang naaresto dalawang araw matapos ang panghoholdap.
Nasakote ang dalawang suspek sa isang checkpoint sa Sibonga, Cebu sakay ng umano'y kotse na pinaglipatan ng mga salarin matapos holdapin ang pawnshop sa Cebu City.
Kinilala ng pulisya ang dalawang suspek na sina Dann Carlo Flores at Jordan Baquiano. Lumitaw na mayroong arrest warrant si Baquiano sa kasong pagpatay.
Nakuha sa kanila ang ilang matataas na kalibre ng baril, pampasabog, at mga gamit umano sa pagnanakaw.
“Immediately after the incident posible po na naghiwa-hiwalay po ibang miyembro. Of course para po hindi po sila mahuli sa iisang lugar,” ayon kay Police General Anthony Aberin, Regional Director of Police Regional Office (PRO) 7.
May mga awtoridad umano na nakaabang sa mga paliparan at pantalan para bantayan kung sakaling magtatangka ang mga suspek na umalis ng Cebu.
Ayon kay Aberin, posibleng malaking grupo ang nasa likod ng panghoholdap sa pawnshop.
“Based on their armaments at tsaka number of persons na involved, its really a big group. Hindi lang po basta-basta isang maliit na grupo kasi nakita naman po natin sa CCTV na talagang daring yung ginawa nila,” sabi ng opisyal.
Aalamin din ng mga awtoridad kung may inside job na nangyari sa holdapan sa pawnshop.—FRJ, GMA Integrated News