QUEZON - Lubog sa baha ang maraming lugar sa Quezon province nitong Sabado dahil sa magdamagang pag-ulan.
Hanggang sa mga oras na ito ay patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Binaha ang maraming lugar sa mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Lopez, Gumaca, Plaridel at Atimonan.
Hanggang bewang ang baha sa bayan ng Lopez.
Pahirapan namang makadaan ang mga sasakyan sa Maharlika Highway sa Atimonan at Plaridel matapos itong lumubog sa baha.
Naka-monitor na ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa lalawigan.
Ang tatlong araw sana na camping ng Boy Scouts at Girl Scouts sa bayan ng Tagkawayan ay pinutol at kinansela na matapos abutin ng baha ang mga tent. Pinauwi na ang mga kabataang dumalo.
Ilang mga palayan na ang lubog sa baha dahil sa mga umapaw na ilog.
Ayon sa PAGASA, makararanas ang Quezon Province, Laguna, at Bicol Region ng cloudy skies at scattered rain showers at thunderstorms nitong Sabado dahil sa shear line. Maaari raw magkaroon ng flash floods o landslides dahil sa moderate hanggang heavy rains. —KG, GMA Integrated News