Kalunos-lunos ang sinapit ng apat na batang magkakamag-anak na nasawi makaraang mabangga ng dalawa truck ang sinasakyan nilang kolong-kolong sa Porac, Pampanga.
Ayon sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing isang forward truck ang unang nakabangga sa motorsiklong may sidecar na sinasakyan ng apat na bata at minamaneho ng isang nakatatanda.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga sa kolong-kolong, tumilapon ang mga biktima sa kabilang bahagi ng highway.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV News, sinabing pagkatilapon ng mga bata sa kabilang bahagi ng highway, dumating naman ang isa pang truck na umararo sa mga bilang.
Agad na nasawi ang dalawang bata sa pinangyarihan ng aksidente, habang pumanaw ang dalawa habang isinusugod sa ospital.
May edad na dalawa, anim, walo at sampu ang mga bata.
Sugatan pero nakaligtas ang nakatatandang nagmamaneho ng kolong-kolong.
Ayon sa driver ng truck, hindi niya napansin ang naturang sasakyan ng mga biktima.
Nasa kustodiya na siya ng pulisya at maaring maharap sa kaukulang reklamo.
Nakiramay at nagbigay naman ng tulong sa pamilya ng mga biktima sina Porac Mayor Jaime Capil at dating pangulo na ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Sa Facebook post ng Porac Public Information Office, sinabing tutulong ang lokal na pamahalaan sa gastusin sa pagpapalibing ng mga biktima.
Nakikipagugnayan rin ang alkade iba pang opisyal ng Barangay Manibaug Pasig, Porac upang talakayin ang posibleng hakbang na maaaring gawin upang hindi na maulit ang malagim na aksidente.-- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News