Nasawi ang isang lalaki na natutulog sa waiting shed sa Dipolog City, Zamboaga del Norte matapos siyang basta na lang pagsasaksakin ng isang babae. Bago ang krimen, may nauna na palang sinaksak na habal-habal driver ang suspek.
Sa ulat ni Krisha Dapitan ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera noong madaling araw ng Lunes, na natutulog ang 24-anyos na biktima sa waiting shed sa Dipolog boulevard.
Isang babae ang sumilip sa kaniya na maya-maya lang ay kumuha ng patalim sa kaniyang bag, inalis ang tsinelas at inundayan ng saksak ang natutulog na biktima.
Kahit sugatan, nagawang maagaw ng biktima ang patalim sa babae at tumakbo palayo. Ang suspek na babae, umalis na parang walang nangyari.
Sa kasamaang-palad, pumanaw din ang biktima kinalaunan na mayroon lang umanong hinihintay sa waiting shed kaya ito nakatulog doon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Vedasto Damarinas III, hepe ng Dipolog Police, bago ang krimen, may isa pang lalaki na naunang sinaksak ang suspek sa bahagi ng Barangay Galas.
Batay sa imbestigasyon, sumakay sa 24-anyos na habal-habal driver ang suspek na babae sa Katipunan at nagpapahatid sa Dipolog boulevard.
Pero hindi pumayag ang biktimang driver dahil sa may kalayuan ang Dipolog sa Katipunan. Hanggang sa magkasundo ang dalawa na ihahatid ang suspek sa Barangay Galas na nasa pagitan ng Dipolog at Katipunan.
Pero pagdating sa Galas, muling nagpilit ang suspek na ihatid siya sa Dipolog. Ayon kay Dasmarinas, nang tumanggi ang driver, bigla siyang ginilitan at pinagsasaksak ng suspek bago tumakas.
Sa kabutihang palad, nakaligtas ang biktima sa kabila ng tinamong mga sugat.
Sa tulong ng CCTV camera, natukoy ang pagkakakilanlan ng babaeng suspek sa si Alyas "Daday," 43-anyos. Naaresto siya sa kaniyang bahay sa Barangay Tanayan sa Roxas, Zamboanga del Norte.
Sinabi ni Dasmarinas na ayon sa mga residente sa lugar, naglalakad umano ang suspek na walang saplot kapag "sinusumpong" umano.
Ipapasuri sa duktor ang suspek para alamin ang tunay na kalagayan ng pag-iisip nito.-- FRJ, GMA Integrated News