Patay ang dalawang guwardiya ng isang unibersidad sa Silang, Cavite matapos silang pagbabaril ng salaring sakay ng motorsiklo. Ang suspek, napag-alaman na dating kasamahan ng mga biktima.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen noong Martes ng madaling araw.
Ayon sa pulisya, naka-duty ang mga biktima nang dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang dalawa na agad na nasawi.
“We were able to identify naman the suspect who happens to be (na) dating kasamahan din nila sa trabaho. Napag-alaman din natin na ang talagang target nung suspect is ‘yung security guard number one, nadamay lang itong security guard number two,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Louie Gonzaga, Officer-in-Charge ng Silang Police Station.
Dati na umanong nagkaroon ng matinding sigalot ang suspek at ang isa sa mga biktima tungkol sa pera.
“May pinag-awayan ‘yan about sa pera, about sa utang about sa sanglaan ng ATM. So, we were told by the witnesses na dumating pa dun sa point na talagang nagbantaan ‘yan at magkasaulian ng kandila," ayon kay Gonzaga.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na sasampahan ng kasong murder.
Sinisikap naman ng Balitang Southern Tagalog na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima. --FRJ, GMA Integrated News