Nasawi ang isang 21-anyos na estudyante na naghihintay ng masasakyan sa terminal ng bus sa Bataan nang madaganan siya ng pader na nagiba matapos na masalpok ng bus.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may dalawa pang nasaktan dahil sa insidenteng nangyari sa terminal sa Balanga City, Bataan.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jen Orviel Titulo, na nadaganan ng pader na nabangga ng bus na bigla umanong umarangkada.
“Noong nakita ko ‘yung nakahandusay na, hinawi ko ang buhok. Nakita ko ang mukha ng anak ko. Anak ko ‘yan, anak ko ‘yan. Palapitin niyo ako,” ayon kay Jennifer Dinglasan, ina ng biktima.
Kasama naman sa mga nasaktan ang dispatcher ng bus na tumilapon mula sa sasakyan dahil sa lakas ng pagbangga.
Ayon kay Police Captain Carlito Buco, Jr., hepe ng Bataan Police information office, nakatigil at naghihintay noon ng pasahero ang bus na biyaheng Mariveles.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na aksidenteng naapakan ng driver ang accelerator pedal ng bus kaya umabante.
Sinabi umano ng driver ng bus sa mga awtoridad na ini-start nito ang makina nang sabihan siya ng dispatcher na siya na ang magsasakay.
“Pag-start ng makina, umarangkada agad ito,” ayon kay Buco.
Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang driver ng bus na nakadetine sa himpilan ng pulisya.—FRJ, GMA Integrated News