Isang mag-asawa sa General Santos City ang nasawi matapos silang madaganan ng kongkretong pader kasunod ng magnitude 6.8 na lindol na yumanig sa iba't ibang bahagi ng Mindanao nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni Jerwen Paglinawan sa Super Radyo General Santos, kinilala ang mga biktima na sina Danny Ginong, 26-anyos at Jane Ginong, 18, mula sa Amadeo Compound, sa Barangay San Isidro.
Nag-panic umano ang mga biktima nang yumanig ang lupa at nagkubli sa pader na nakadagan sa kanila.
Una rito, iniulat ng sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na tectonic ang pinagmulan ng pagyanig na may lakas na magnitude 6.8.
Naitala ang sentro nito sa 05.37°N, 125.15°E - 030 km S 81° W ng Sarangani (Davao Occidental) na may lalim na 10 km.
Naramandaman ang intensity ng pagyanig sa ilang lugar:
- Intensity VIII - Glan, Sarangani; General Santos City, South Cotabato
- Intensity V - Matanao, DAVAO DEL SUR; Maasim, Malapatan, Sarangani; Lake Sebu, Tampakan, Polomolok, Banga, South Cotabato
- Intensity IV - Kidapawan City, Cotabato; Magsaysay, Davao City, Davao Del Sur; Don Marcelino, Jose Abad Santos, Davao Occidental; Kiamba, Maitum, Sarangani; Norala, Tantangan, South Cotabato; President Quirino, Lebak, Isulan, Esperanza, Columbio, Kalamansig, Sultan Kudarat.
Sa ulat ni Abbey Cabellero ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News Saksi, ipinakita ang video ng pagyanig sa loob ng isang mall sa GenSan na nagdulot ng takot sa mga tao.
Makikita ang paggalaw ng mga ilaw, at paglaglag ng ilang bahagi ng kisame. Isang lalaki ang bahagyang nasaktan nang tumalon mula sa ikalawang palapag ng gusali.
Nangamba naman ang ilang residente sa tabing-dagat sa Barangay Labangal nang biglang mag-lowtide ang dagat at bumalik ang tubig kasunod ng pagyanig.
Naramdaman din ang pagyanig sa Koronadal City na nagdulot ng bahagyang pinsala sa ilang gusali. Ilang residente rin ang nahilo.
Sa Malapatan, Saranggani, nagkalat sa daan bumagsak na mga lupa, bato at puno mula sa bundok.
Naramdaman din ang lindol sa Zamboanga City, Basilan, Sulo, Maguindanao at Bukidnon. -- FRJ, GMA Integrated News