Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril sa dalawang pasahero na mag-live in partner habang nasa loob ng bus. Ang babaeng biktima, napag-alaman na may hidwaan sa anak na nauwi sa demandahan.
Ayon kay Police Colonel Jean Fajardo, chief ng Public Information Office (PIO) ng Philippine National Police (PNP), kinasuhan umano ng babaeng biktima ng carnapping ang anak nitong lalaki na pansamantalang nakalaya matapos na magpiyansa.
“Medyo malalim po yung naging alitan ng mag-ina [na] maliban po dito sa alleged na pagfa-file ng kaso ng carnapping. But I'm not at liberty to discuss the other details para di po ma-compromise yung ongoing investigation,” sabi ni Fajardo nitong Huwebes.
Ayon sa pulisya, 60-anyos ang babaeng biktima na mula sa Cauayan, Isabela. Habang 55-anyos naman ang kasama niyang lalaking biktima na mula sa South Cotabato.
Nitong Miyerkules, nag-viral ang video na kuha mula sa camera sa loob ng bus na makikitang malapitang barilin ng dalawang salarin ang mga biktima habang nakaupo sa bus na bumibiyahe sa bahagi ng Nueva Ecija.
BASAHIN: 2 pasahero sa bus, binaril habang nasa biyahe sa Nueva Ecija
Ayon kay Fajardo, nakausap na ng mga imbestigador ang naturang anak ng babaeng biktima at itinanggi umano nito na may kinalaman siya sa krimen.
“In the spirit of transparency, [ang anak] po yung tinitignan natin na isa sa mga posibleng may kinalaman although nakausap na din po ng mga imbestigador yung anak at sinasabing wala siyang kinalaman," anang opisyal.
"But hindi po tayo mag-i-stop doon. Umaasa po tayo doon sa ibang mga ebidensiya na makukuha natin that would lead to the identification of the two suspects and, of course, the mastermind behind this killing,” dagdag ni Fajardo.
Ayon sa pulisya, mayroon din umanong nakaalitan ang babaeng biktima bago sumakay ng bus sa Isabela.
Sa naunang ulat, lumitaw na sa Bayombong sa Nueva Vizcaya naman sumakay ang dalawang salarin.
Sinabi umano ng mga kaanak ng babaeng biktima na nakatatanggap ito ng banta sa buhay.
Kasama rin sa inaalam ng mga imbestigador ay kung may kasabwat ang mga salarin sa mga pasahero ng bus.
“Ang pagpunta [ng mga biktima] sa Tarlac ay naka schedule. Tinitingnan yung possibility na may nagbigay ng information na sila ay bibiyahe ng araw na 'yon para abangan lamang sila sa kanilang dadaanan. Titingnan yung mga dinaanan ng bus baka sakali makakuha tayo ng mas malinaw na deskripsyon ng suspek kasi po wala naman pong face mask yung mga suspek,” ayon kay Fajardo.
“The fact na inabangan lamang doon sa Nueva Vizcaya yung mga biktima natin, there is a possibility na alam ng mga suspek yung movement ng ating mga biktima at alam na sumakay sila sa partikular na bus po na 'yon,” dagdag pa niya.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GTV "State on the Nation" nitong Huwebes, inihayag ng pulisya na maaaring guns-for-hire ang dalawang bumaril sa mga biktima.
“May witnesses po na allegedly nakitang umakyat sa mountainous part ng Barangay Minuli, " ayon kay Carranglan Police Station Chief Police Major Rey Ian Agliam.
Gagamitin naman ang dashcam footage ng insidente para makita nang malinaw ang mukha ng mga salarin sa pag-asang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
“Malaking bagay po yung nakuha nating CCTV footage dahil yung kanilang manner they executed, yung pagbaril, yung kanilang pagtayo, yung paggamit ng baril, ay lahat po yan ay ikukumpara natin sa ibang mga recorded shooting incidents natin that would lead to the possible identification ng mga suspects po natin which we’re confident na magkaroon ng positibong resulta po,” sabi ni Fajardo.— FRJ, GMA Integrated News