Mistulang napitpit na lata ang isang kotse matapos salpukin at pumailalim sa isang dump truck sa Olongapo City. Ang apat na sakay nito, nasawi.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay New Cabalan nitong Linggo ng gabi.

Kinailangan pang gumamit ng crane ang rescue team para maialis ang mga biktima sa pagkakaipit sa truck.

Isinugod ang mga biktima sa ospital pero idineklara na sila ng mga duktor na dead on arrival.

Ayon sa awtoridad, galing sa Mariveles, Bataan ang mga biktima nang mangyari ang trahediya.

Inaalam ng mga imbestigador kung nakaidlip ang driver ng truck habang nasa biyahe.

"Base doon sa driver, na-lose control daw yung driver ng truck kaya lumipat ng linya sa vehicle na kotse at inararo ang kotse," sabi ni Police Major Alipio Villavicencio Jr.,  hepe ng Traffic Enforcement Unit, Olongapo City Police Office.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, gayundin ang driver ng truck na nakadetine sa police station.-- FRJ, GMA Integrated News