Patay ang isang magsasakang natutulog sa sakahan matapos siyang mahulugan ng tipak ng malaking bato sa Zamboanga City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanaona iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing tulong-tulong ang mga residente para kunin ang bangkay ng biktima sa isang sunflower farm sa Barangay Pamucutan.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan at ulo ang 51-anyos na lalaking hindi pinangalanan, ayon sa pulisya.
“Nahulugan ng bato ‘yung tao, naipit ‘yung sa may bandang ulohan… Nasa 20 persons ang nagtulong-tulong para (matanggal) ‘yung bato,” sabi ni Police Major Wilfredo Palamos, Station Commander ng Police Station Ayala.
Kuwento ng pamilya ng biktima, sumunod ang kanilang padre de pamilya sa dalawa niyang anak na pumunta sa sakahan para maghanda sa gagawing uling.
Ngunit hindi nakauwi ang mag-aama nang umulan, at nagpasiyang matutulog sila sa sakahan.
Nagising ang dalawang anak dahil sa ingay ng mga gumulong na bato sa kanilang direksiyon.
Isang tipak ang tumama sa kanilang ama.
Sinabi ng CDRRMO magsasagawa sila ng reassessment sa lugar na itinuturing landslide-prone area. — RSJ, GMA Integrated News