Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking natalo sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos niyang undayan ng saksak ang isang kagawad sa Cavite City. Ang suspek, nagdududa kung tunay siyang sinuportahan ng mga kapartido sa eleksyon.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang pagdating ng suspek na nakabisikleta na si alyas “Ateng,” na sinalubong ng kagawad na si Rodelio Famy Jr.
Ilang saglit lang, naglabas si alyas Ateng ng isang kutsilyo at pinagsasaksak si Famy, na tinamaan sa leeg kaya napatakbo.
Humantong ang habulan sa harap ng barangay hall, samantalang kaniya-kaniyang kumuha ng mga panangga ang mga kagawad.
Kalaunan, napagod si alyas “Ateng” at kusang umalis.
Sinabi ng pulisya na nasa kustodiya na nila ang salarin.
“‘Yun po ang sinabi niya ‘Bakit ako natalo? Hindi niyo naman ako sinuportahan.’ ‘Hindi, sinuportahan ka naman namin eh.’ Hindi pa rin naniniwala,” sabi ni Police Staff Sergeant Benzon Cauntay ng Cavite City Police.
Umamin ang suspek sa pananaksak.
“Galit pa sa akin. Noong pag-awat niya, sabi ko ‘Kap huwag mo akong awatin.’ Natamaan sa leeg,” sabi ni alyas Ateng.
Humingi ng paumanhin ang suspek kay Kagawad Famy.
“Sinabi ko sa kaniya ‘Kagawad ano po ba ang problema?’ Pero wala pong pasubali, basta na lang pong dumukot ng kutsilyo sa kanang bahagi ng kaniyang pantalon, bigla niya na lang akong inundayan,” sabi ni Famy.
Nahaharap ang suspek sa kasong attempted homicide. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News