Idinaraos sa International Eucharistic Congress Convention Center sa Cebu City ang National Retreat for Priests 2023. Kabilang sa mga dumalo ang pari mula sa Batangas na nag-viral noong 2021 dahil siya ang nagkasal sa kaniyang dating nobya.
Nag-viral ang vlog ni Fr. Roniel El Haciendero, nang ibahagi niya ang nakatutuwang tagpo sa naturang kasal, at tukuyin niya ang bride na kaniyang "ex."
Sa naturang retreat ng mga pari sa Cebu, hindi naiwasan na matanong ng mga mamamahayag si Fr. Haciendero tungkol ginawa niyang pagkasal sa dati niyang kasintahan.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV "Balitang Bisdak," natatawang sinabi ni Fr. Haciendero na hangga't maaari ay ayaw na niyang pag-usapan ang naturang kasal.
"Siguro sa iba maganda ang epekto, may mga na-inspire mayroon namang hindi. Pero kumbaga 'yon 'yung sa mga topic na hangga't maaari ayaw ko rin pong pag-usapan," masaya niyang pahayag.
Patuloy pa niya, "Dahil po parang to respect na rin yung mga taong involved. Saka para po mag-die down na rin po ang isyu."
Nasa 2,000 pari sa bansa ang dumalo sa kanilang national retreat na nagsimula nitong Martes.
Ayon kay Fr. Haciendero, apat na taon pa lang na pari, inspiring para sa kaniya na dumalo sa mga katulad na pagtitipon ng mga alagad ng Diyos, lalo na kapag may nakikita siyang mga matatandang pari.
"Enriching dahil nakikita mo na sa bokasyong ito hindi ako nag-iisa, nakikita ko yung ibang pari na...lalo na yung matatanda. Very inspiring sa akin kapag nakakakita ako ng matatandang pari kasi yung kanilang faithfulness," saad niya.
"Kasi minsan iniisip ko, 'Tatagal kaya ako sa pagpapari?' Pero kapag nakikita ko yung matatandang pari na hanggang ngayon after how many years ay pari pa rin sabi ko, by God's grace bakit hindi. Kaya nakakatulong po lalo na kapag gathering na maraming pari, napakasarap sa pakiramdam," patuloy niya.
Idinagdag pa niya nakatutulong din ang naturang pagtitipon para mapalakas din ang tinatawag nilang sacramental brotherhood ng mga alagad ng Simbahan.--FRJ, GMA Integrated News