Patay sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang rider na nasa gilid ng kalsada sa Angeles, Pampanga.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, makikita sa video ang biktima na nakatigil sa gilid ng daan habang nakaupo sa motorsiklo.

Maya-maya lang, tumabi sa kaniya ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at malapitan na pinagbabaril ang biktima.

Kahit nakatumba na ang biktima, bumaba pa rin ang angkas na suspek para lapitan ito at muling barilin bago tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Wala raw alam ang pamilya ng biktima na may kaaway ito.--FRJ, GMA Integrated News