Patay ang isang kandidato sa pagka-barangay kagawad na maghahatid sana ng kaniyang anak sa eskuwelahan nang barilin ng riding-in-tandem sa Bucay, Abra.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente isang araw bago mag-umpisa ang campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Kinilala ang biktima na si Catalino Turalba Sr.
Agad tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril, habang ligtas ang anak ng biktima.
Patuloy na tinutugis ang mga suspek at ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.
Sinabi ng Comelec na isa ang Bangbangcag sa walong barangay sa Bucay na inirekomendang isailalim sa orange category dahil sa mga armadong grupo.
Base sa huling tala ng Comelec, aabot sa 200 kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections ang umatras sa Abra. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News