Nasawi ang isang sundalo matapos maka-engkuwentro ng militar ang isang armadong grupo sa Laur, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing pangamba ang bumalot sa mga residente ng Barangay San Fernando matapos silang makarinig ng mga putok at pagsabog sa kabundukan.

Ayon sa mga residente, tumagal ng kalahating oras ang pagsabog matapos magsagupaan ang militar at isang rebeldeng grupo sa lugar.

Iniulat ng Philippine Army 7th Infantry Division na bago ang engkuwentro, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na may aabot sa 10 katao ang nangha-harass o nanggugulo ng mga residente.

Kinilala ang napatay na sundalo mula sa 84th Infantry Battalion na si First Class Sher Nelson Casayuran, 27-anyos, matapos tamaan ng bala.

Patuloy ang mga awtoridad sa kanilang hot pursuit operation, at pinaigting ang seguridad sa lugar para sa kaligtasan ng mga residente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News