Nasawi ang isang lalaking 21-anyos nang masalpok at magulungan siya ng truck sa Batangas City. Ang driver ng truck, pumanaw din dahil umano sa atake sa puso.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na agad na nasawi sa nangyaring trahediya na si Julius Dipasupil.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Pallocan West, tinatahak ng biktimang sakay ng motorsiklo ang kalsada nang makasalubong niya ang truck na umagaw sa kaniyang linya.
Ayon sa pulisya, hindi kaagad nakatigil ang truck at nagulungan nito ang biktima at ang motorsiklo.
Batay umano sa pahayag ng pahinante ng truck na anak ng driver, sumama ang pakiramdam ng kaniyang ama habang nagmamaneho kaya napunta sa kabilang bahagi ng kalsada at nakasalubong ang biktima.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na mayroong lalaki na bumaba mula sa truck at tiningnan ang kalagayan ng biktima.
Maya-maya pa, bumalik siya sa truck at inalalayan na makababa ang isang lalaki na hirap makakilos.
Isinugod sa ospital ang driver ng truck pero kinalaunan ay binawian din ng buhay dahil umano sa sakit sa puso.
Hindi pa nagkakausap ang pamilya ng biktima at ang may-ari ng truck.
"Kung iyan ho ay ile-legal natin po puwede po ako magbigay din. Pero huwag lang ho ganoong kalaki kasi may sasagutin din ho ako," ayon kay Danny Atienza, may-ari ng truck.
Ang ama naman ng biktima na si Gil Dipasupil, nais na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang nag-iisang anak.
"Hustisya ang kailangan namin para sa kaniyang buhay hindi nang kung ano man, tao 'yan. Hindi siya nagkamali kailangang panagutan nila," giit ng ama ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News