Sa labas pa lang ng tindahan, nagsisiksikan na ang mga mamimili para makauna sa pagpasok at makahakot ng mga damit at iba pang panindang ukay-ukay sa Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ni Cris Nobelo sa GMA Regional TV nitong Biyernes, makikita sa kuha ng mga CCTV camera ang pagkukumpulan at pagsisiksikan ng mga tao sa pintuan ng tindahan ng ukay-ukay.
At nang buksan na ang pinto, nag-unahan na sila sa pagpasok at paghakot sa mga paninda.
Hindi naiwasan na may mga matumba pati na ang ilang pinagsasabitan ng mga damit.
Napag-alaman na dinudumog ang naturang tindahan dahil bagsak-presyo ang mga panindang damit na nagmula pa umano sa US at Japan.
Tiniyak naman ng may-ari ng tindahan na si Rolando Tesorero Jr., na walang nasaktan sa pag-uunahan at masaya ang mga namili dahil nakuha nila ang gusto nila.
Nagpaalala naman ang Department of Health- Camarines Sur na dapat tiyakin na malinis ang mga pinamili bago gamitin.
"Dapat ang pinagbilhan na ukay-ukay dapat may mayor's permit. Ang mga nagtitinda may health certificate. Kasi batay sa batas ay dapat may mga necessary permits," ayon kay Dr. Rey Millena, Provincial Officer, DOH-CamSur. -- FRJ, GMA Integrated News