Hinahangaan ang kasipagan ng isang third year college student sa Cagayan State University sa Aparri, Cagayan na pinagsasabay ang pag-aaral at pagtitinda ng popcorn sa mga kapuwa estudyante para magkaroon siya ng pambaon.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, makikita na bukod sa bag, may bitbit ding mga supot ng popcorn ang estudyanteng si Brian King Gonzales De Leon, 23-anyos, at 3rd year student sa kursong Industrial Technology.
Inilalako niya ang popcorn kapag wala siyang klase upang mayroon siyang pambaon.
Hanga naman sa kaniya ang ibang estudyante dahil sa kaniyang kasipagan at hindi niya ikinahihiya ang kaniyang pagtitinda.
Payo ni De Leon sa mga kapuwa niya mag-aaral, walang dapat ikahiya kung nagsusumikap sa buhay. --FRJ, GMA Integrated News