Hindi na muna pinapasok sa klase ang ilang estudyante sa Dagupan City, Pangasinan at Ligao, Albay matapos silang tamaan ng nakahahawang sore eyes .
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Balita Ko nitong Martes, sinabing aabot sa 10 estudyante ng West Central II Elementary School sa Dagupan, Pangasinan ang nagkaroon ng sore eyes.
Nagpapagaling na umano ang mga bata matapos magkaimpeksiyon.
Ayon sa Center for Health Department Region 1 na ang sore eyes ay conjunctivitis at dulot ng isang virus.
Ilan sa mga sintomas ng sore eyes ang pamumula, pananakit, pagluluha at pagmumuta ng mga mata.
Tinamaan din ng sore eyes ang nasa 50 estudyante sa Ligao, Albay.
Sinabi ng principal ng Ligao East Central School na mas minabuti nilang huwag munang papasukin ang mga gumaling nang mag-aaral para maiwasan ang hawaan.
Hindi naman mapag-iiwanan sa klase ang mga estudyante dahil ibinigay na sa kanila ang mga gagawing aktibidad.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News