Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking sangkot umano sa mga serye ng nakawan sa Antipolo, Rizal. Ang suspek, tumanggi sa paratang at iginiit na ibang tao ang dawit sa krimen.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa kuha ng CCTV ang pagpasok ng dalawang magnanakaw na naka-helmet sa isang coffee shop sa Barangay Bagong Nayon noong Miyerkoles.
Sapilitang kinuha ng mga suspek ang mga gadget na nasa loob ng coffee shop, ngunit pumalag ang mga biktima.
Nang papalabas na ang mga salarin, naipit pa ng mga biktima ang isa sa mga suspek sa pinto ngunit nakatakas din.
Lumabas pa ang isa sa mga biktima at tinulak ang riding in tandem kaya natumba ang motorsiklo.
Ngunit ilang saglit lang, narinig ang sigawan sa isa pang kuha ng CCTV matapos barilin ng mga suspek ang nanlabang biktima.
Ligtas na ang biktima, ayon sa pulisya, ngunit tuluyang nakatakas ang mga salarin.
Dahil sa pareho nilang suot na jacket, natukoy na ang mga nakatakas na riding in tandem, na dawit din sa pamamaril noong Sabado sa Barangay Santa Cruz, kung saan dalawang lalaki ang kanilang binaril.
Natagpuan ng pulisya sa follow-up operation ang isa sa mga suspek na siyang may-ari ng motorsiklo na si Jayson Jimenez, na nahuli sa kaniyang bahay Lunes ng gabi.
Nakita rin ang jacket at helmet na gamit nila sa pagnanakaw.
Ngunit itinanggi ni Jimenez na dawit siya sa pagnanakaw at serye ng barilan, kundi kilala niya ang dalawang nakunan ng video na sina alyas “Jeff” at alyas “Jonjon.”
Gayunman, inilahad ng pulisya na patay na si Jonjon na binabanggit ni Jimenez noong Sabado pasado 10 p.m.
Patuloy ang pag-iimbestiga kung may kaugnayan ang mga kinasangkutan nilang krimen at ang pagkamatay ni Jonjon. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News