Nakuhanan ng video ang pakikipagbuno ng isang taxi driver sa isang driver ng kotse sa kalsada sa Baguio City.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa harap ng Baguio Cathedral.

Makikita sa video na isang babae na kasama umano ng motorista ang umawat sa dalawang lalaki.

Pero nang lumayo ang taxi driver, makikita na may hawak palang patalim ang nakaaway niyang driver.

Umalis din umano ang babae at ang driver sakay ng puting kotse.

Ayon sa pulisya, dumulog sa kanila ang taxi driver at sinabing ginitgit siya ng puting sasakyan na ugat ng gulo.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng driver na may hawak na patalim. -- FRJ, GMA Integrated News