Sugatan ang isang estudyante na naunang manuntok umano matapos siyang gantihan at bugbugin ng limang lalaki sa Legazpi, Albay.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Balita Ko nitong Miyerkoles, mapapanood ang paghabol ng grupo ng mga suspek sa biktima sa Barangay Humapon noong Biyernes.

Ilang saglit lang, natumba at nadapa ang lalaki, ngunit nagawa pa rin niyang makatakbo, hanggang sa maabutan siya at pinagtulungang bugbugin ng mga suspek.

Sinabi ng opisyal ng barangay na niresbakan ng grupo ang biktima, na naunang nanuntok noong nakaraang linggo.

Desidido naman ang mga magulang ng biktima na sampahan ng reklamo ang mga suspek.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima, na kasalukuyang nagpapagaling. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News