Isang sawa ang tumambad sa compartment ng isang motorsiklo habang nagpapa-gas ang rider nito sa San Juan, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng 22-anyos na rider na si Lloyd Alvin Castillo na may lumabas na warning sa kaniyang engine ngunit hindi niya ito pinansin.
Bukod dito, tatlong beses ding namatay ang makina ng kaniyang motor habang bumibiyahe siya.
Isang lalaki ang tumulong kay Castillo para alisin ang sawa mula sa kaniyang motor gamit ang kahoy, ngunit hindi na niya alam kung saan dinala ng lalaki ang sawa.
Ayon kay engineer Antonio Ridulme, in-charge sa DENR-CENRO Northern Ilocos Sur, nakasaad sa Republic Act 9147 na kailangang protektahan at i-conserve ang mga wildlife. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News