Pinagbabaril habang sakay ng SUV ang isang principal na papasok na sa gate ng isang paaralan sa Jaen, Nueva Ecija. Kahit sugatan, nagawa ng biktima na makalabas ng sasakyan at pumasok sa paaralan.
Sa ulat ni Jeric Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Reden Daquiz, 49-anyos, principal sa Sto. Tomas North Elementary School.
Isinugod ng mga guro si Daquiz sa pagamutan, habang nakatakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
“Ang narinig lang po namin pak, pak, pak… ganun lang ‘yung narinig namin. Ang sinabi ko lang sa mga bata, baril ‘yun anak, tumakbo tayo," ayon sa isang guro.
Nakita rin umano niya ang sasakyan ng biktima pero nagtaka siya kung bakit ito tumigil. Hanggang sa lumabas na ng sasakyan ang principal na nakahawak sa tiyan dahil sa tinamong sugat.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Ronilo Hilario, Assistant Division Superintendent of DepEd Nueva Ecija, na suspendido muna ang klase sa paaralan habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
Kinondena naman ni Jaen Mayor Sylvia Austria, ang nangyaring pamamaril sa tapat mismo ng paaralan.
“Mariin kong kinokondena ang pamamaril sa aming principal na si Reden Daquiz at nanawagan ako sa mga kapulisan ng maaga at madaliang pagresolba sa kasong ito,” giit niya.
Ipinatupad naman ng Nueva Ecija Police Provincial Office ang Oplan Bakod para bantay-sarado ang entry at exit points ng Jaen. -- FRJ, GMA Integrated News