Nakunan sa CCTV ang pag-aaway ng dalawang babaeng menor de edad sa kalsada sa gitna ng pagdiriwang ng Peñafrancia Festival sa Naga, Camarines Sur.
Sa ulat ng Unang Balita batay sa impormasyon mula sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Martes, makikita sa isang CCTV footage sa Barangay San Francisco na dumagsa ang mga tao sa Plaza Quince Martires para abangan ang pagdaan ng prusisyon sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival.
Ilang sandali lamang, isang babaeng nakaputi ang biglang sinabunutan ang sinusundan niyang isa pang babae.
Tumagal ang kaguluhan ng ilang minuto, hanggang sa naawat ang dalawang menor de edad.
“Ayon doon sa isang biktima, complainant, grupo ng mga ‘pash-pash’ kumbaga ‘yung mga menor de edad na kababaihan na tila natiyempuhan siguro sa [lugar]. Magkakilala sila, siguro natiyempuhan siya rito sa may lugar ng aming barangay kung saan pinagtulungan noong mga ‘pash-pash,’” sabi ni Kapitan Efren Nepomuceno ng Brgy. San Francisco.
Sinabi ng mga awtoridad na walang nasugatan ngunit inaalam na nila ang pinag-ugatan ng insidente.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
Away ng 2 menor de edad sa gitna ng Peñafrancia Festival, nahuli-cam
Setyembre 19, 2023 1:48pm GMT+08:00