Kalunos-lunos ang sinapit ng isang aso matapos itong ilang ulit na ibalibag at pinagbabato ng matigas na bagay ng kaniyang amo hanggang sa masawi sa Taytay, Rizal. Ang suspek, patuloy na tinutugis.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa 24 Oras, mapapanood sa isang video ang aso na takot na takot habang bitbit ng kaniyang amo sa leeg Huwebes ng umaga sa isang terminal ng tricycle.

Ilang saglit lamang, binalibag na ito ng kaniyang amo.

Hindi pa natigil ang pagpapahirap sa aso. Matapos na may kunin na matigas na bagay ang lalaki, saka ito ibinato nang makailang ulit sa aso.

Pagkaraan ng ilang sandali, hindi na muling kumilos ang aso.

Pinost sa social media ang video, na nakakuha ng reaksiyon sa netizens at isinumbong sa Taytay Police.

Tinutugis na ng pulisya ang lalaki sa video, ngunit hindi na ito namataan sa lugar kung saan niya ginawa ang pagmamalupit.

Nagpunta rin sa lugar ang League of Animal Welfare Organization of the Philippines, na inihayag ang kanilang pagka-alarma sa napanood na video.

Natuklasan din nila ang isang tuta na inabandona umano sa lugar.

Nangako silang hindi titigil hanggang hindi napananagot ang suspek. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News