Mariing kinondena ng pamahalaang panglalawigan ng Abra ang ginawang pagbaril at pagpatay kay Atty. Ma. Saniata Liwliwa Gonzales Alzate. Ang Integrated Bar of the Philippines (IBP), nanawagan sa mga awtoridad na agad lutasin ang krimen.
Binaril at napatay ng riding in tandem ang biktima habang nakasakay sa kotse na nakaparada sa gilid ng kaniyang bahay sa Bangued, Abra nitong Huwebes ng hapon.
Nahuli-cam sa CCTV camera ang dalawang salarin nang pagbabarilin nila ang biktima.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing walong basyo ng bala at isang tingga mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Sinusuri na ng pulisya ang mga CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin. Iniimbestigahan na rin ang posibleng motibo sa krimen.
Sa inilabas na pahayag ni Abra Governor Dominic Valera, mariin niyang kinondena ang ginawang pagpatay kay Alzate na tinawag niyang, "strong-willed lawyer, a defender of those in need, and a friend to many."
"I urge the law enforcers for the speedy and swift investigation of the killing of Atty. Alzate and for the immediate resolution of this case," giit ng gobernador.
Samantala, hiniling din ng IBP sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na masusing imbestigahan ang ginawang pagpatay sa abogada.
“We urgently call upon the NBI, the PNP, and all relevant investigative agencies to promptly launch [a] comprehensive investigation into this heinous crime, along with all other unresolved cases targeting lawyers,” saad sa pahayag.
“We ask that they ensure the expedient resolution of these investigations, thereby holding the perpetrators accountable," dagdag ng IBP.
Ayon sa IBP, ang nangyari kay Alzate ay paalala sa panganib na kinakaharap ng mga abogado, hukom at court officers sa bansa.
Inihayag naman ng Department of Justice na “unacceptable” ang ginawang pagpatay kay Alzate. --FRJ, GMA Integrated News