Nauwi sa rambulan ang masayang kapistahan sa Bais City, Negros Oriental matapos magrambulan ang dalawang grupo ng kabataan na umano'y mga lasing.
Ayon sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng Balitang Bisdak sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ilang kabataan na din ang nakisali sa gulo sa isang covered court sa Barangay Uno.
Mula sa kasiyahan na may sayawan, nauwi sa ito sa suntukan, habulan, at hampasan ng bote.
Napigilan naman na lumala ang sitwasyon dahil sa pag-awat ng mga awtoridad.
Inialis din ang mga bote at ipinagbawal ang pagpasok ng mga nakalalasing na inumin sa loob ng center.
Tukoy na raw ng mga awtoridad ang limang nag-umpisa ng gulo at inihahanda na ang reklamong isasampa laban sa kanila. -- Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News