Patay ang isang senior citizen na umawat lang sa ginagawang pananakit ng isang grupo ng kalalakihan sa kaniyang pamangkin makaraang siya ang pag-initan sa Zamboanga del Norte.
Ayon sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita sa video na kuha ng isang netizen na pinagtutulungang bugbugin ng grupo ang 37-anyos na si Jenneboy Sustento, pamangkin ng nasawing si Ambrosio Aquino, 62-anyos.
Nangyari ito noong madaling araw noong August 21 sa Barangay Fatima, sa Liloy, Zamboanga del Norte.
Dahil agrabyado ang pamangkin sa dami ng kaaway ng kaniyang pamangkin, pumagitna umano si Aquino para umawat sa gulo. Pero siya man ay pinagtulungan ng grupo hanggang sa natumba at nabagok ang ulo na kaniyang ikinamatay.
“On the height of pinukpok ang ulo, pinagtulungang bugbugin si Jenneboy. Ito ang victim, nag-try na mag-pacify. However, sinuntok siya, na-slam siya sa semento, which caused traumatic injury which is the cause of his death,” ani Police Staff Sergeant Cliff Eugenece Sisio, Chief, Investigation Unit, Liloy Municipal Police Station.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa isang restobar ang magtiyuhin kung saan nalasing umano si Jenneboy. Mayroon umanong binastos na babae si Jenneboy sa loob ng bar na ikinagalit ng nobyo ng babae.
Tukoy na raw ng pulisya ang limang suspek na hindi muna pinangalanan habang patuloy ang pagtugis ang iba pang sangkot sa kaguluhan na mahaharap sa kasong murder.
Samantala, hustisya naman ang hangad ng pamilya ng biktima.
“Hustisya talaga. May narinig kami na kuwento na makikipag-areglo, bakit sila makikipag-areglo, eh patay na. Buti sana kung may mga bali lang siya, bahala na kami magpagamot, eh patay na. Kaya hustisya ang gusto namin. Sana hindi na nila ito magawa sa iba, tama na ang isang buhay ang nawala,” ayon sa anak ng biktima na si Cris Aquino. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News