Natunton ng pulisya sa isang talyer sa Dagupan City, Pangasinan ang SUV na tinakbuhan ang 20-anyos na buntis na kaniyang nabangga at napatay sa Mangaldan. Pero kahit tukoy na kung sino ang driver ng SUV, hindi na raw ito puwedeng isailalim sa kostudiya ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabi ni Police Leiutenant Colonel Rondan Cabatan, hepe ng Mangaldan Police Station, lumilitaw na nakatira na sa ibang bansa ang tunay na may-ari ng nakadisgrasyang sasakyan.
"Chinalenge [challenge] natin yung may-ari ng talyer kung sino 'yung nagdala doon at tinawagan ng may-ari ng talyer 'yung may-ari ng sasakyan. Dumating 'yung anak ng may-ari ng sasakyan kasi 'yung may-ari ng sasakyan ay currently residing na sa ibang bansa," ayon kay Cabatan.
Sa naunang ulat, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sakay ng motorsiklo ang nasawing buntis na si Ryza Mae Biay, kasama ang live-in partner niya na si Lennuel Prestoza, na rider ng sasakyan.
Nakatigil umano ang mga biktima sa national road para lumiko sa Barangay Bari sa Mangaldan nang salpukin sila ng humaharurot na SUV.
Tumilapon ang dalawa at nawasak ang kanilang motorsiklo sa lakas ng pagkakabangga. Nasawi rin ang sanggol sa sinapupunan ni Biay.
Kritikal naman ang kalagayan ni Prestoza na nananatili pa rin sa intensive care unit.
Tumakas naman ang driver ng SUV, na ayon sa pulisya ay 31-anyos na nobyo ng anak ng may-ari ng sasakyan.
Sinabi ni Cabatan na matapos matunton sa talyer ang SUV, dinala na ang sasakyan sa himpilan ng pulisya.
Inamin umano ng anak ng may-ari ng SUV na ang nobyo niya ang nagmamaneho ng sasakyan nang gabing mangyari ang aksidente.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang naturang driver na handa umanong sumuko, ayon kay Cabatan.
"Alam namin kung nasaan siya. Willing siyang mag-surrender. In the process ng batas, hindi na siya puwedeng i-custody because nag-lapse yung reglementary period at hindi mako-consider as hot pursuit operation ang nangyari," paliwanag ng opisyal.
Ang ama ni Biay na si Leo, nais na mahuli ang driver at mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang anak, manugang, at magiging apo.
"Gusto ko talaga mahuli yung gumawa sa kaniya kasi dalawang buhay yung nawala sa amin. Tapos yung manugang ko nandun pa, hindi pa namin alam kung makaka-survive o... kaya mahirap," hinanakit niya. --FRJ, GMA Integrated News