Nasawi ang isang 45-anyos na lalaking electrician nang makuryente siya habang nag-aayos ng linya nito sa bubong ng isang bahay sa Magarao, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa kuha ng CCTV na nag-aayos ang biktima habang nasa bubong, hanggang ilang saglit lamang, bigla na siyang nanginig at tila nanigas ang katawan.
Agad namang sumaklolo ang mga kasamahan ng biktima at tinangkang alisin ang pagkakadikit ng kaniyang kamay sa kable gamit ang isang kawayan.
Nang maalis ang kaniyang kamay, bumagsak na ang biktima sa kalsada at binawian ng buhay.
Base sa ulat, nakiusap sa electrician ang may-ari ng bahay na tignan ang linya ng kuryente na sumasabit sa kanilang bubong.
Sinagot ng nagpatrabahong pamilya ang gastos para sa burol at pagpapalibing sa biktima.
Masama ang loob ng pamilya ng electrician sa Camarines Sur Electric Cooperative at sa mga taong nasa lugar nang hindi agad nadala sa ospital umano ang lalaki.
Nagsasagawa na ang kooperatiba ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News