Patay sa pambubugbog ng sarili niyang anak ang isang senior citizen sa Tuburan, Cebu, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Sa panayam ng Super Radyo Cebu, ikinuwento ng asawa ng biktima na umuwing lasing ang kaniyang mag-amang sina Jonathan at Jerson Ruiz.

Pinagsisigawan daw ng 60-anyos na si Jonathan ang kaniyang anak hanggang sa nauwi ito sa away.

Doon na raw pinagsusuntok ni Jerson ang kaniyang ama hanggang sa matumba at mabagok ang ulo nito sa sahig.

Kusang sumuko sa pulisya si Jerson na nahaharap ngayon sa asunto. Hindi siya nagbigay ng pahayag.  —KBK, GMA Integrated News