Dalawa ang patay at 10 ang sugatan nang bumangga sa puno ang owner-type jeep na ginawang barangay patrol sa Batangas City. Sa lakas ng pagkakabangga, nagmistulang yumapak sa puno ang unahan ng jeep.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang isa sa mga nasawi na si Teodoro Guico, 59-anyos, tanod sa Barangay San Miguel.

Ayon sa pulisya, 12 katao ang sakay ng jeep na kinabibilangan ng mga tanod at community helper nang mangyari ang aksidente nitong Linggo ng umaga.

Galing umano sa community service ang mga biktima nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng jeep sa pababang at palikong bahagi ng kalsada, hanggang sa tuluyang bumangga sa puno.

Ang misis ni Guico, sinabing magpapakatatag siya bagaman mahirap tanggapin ang biglang pagkawala ng kaniyang kabiyak sa buhay.

Dinala naman sa pagamutan ang 10 nasugatan, at lima sa kanila ang pinayagan nang makauwi na sa kani-kanilang bahay.-- FRJ, GMA Integrated News