Nasawi ang isang 20-anyos na buntis matapos mabundol ng isang SUV ang sinasakyan niyang motorsiklo na minamaneho ng kaniyang live-in partner sa Pangasinan. Ang driver na nakadisgrasya, tumakas.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Ryza Mae Biay, habang malubhang nasugatan ang kaniyang live-in partner na si Lennuel Prestoza.
Nasawi rin ang sanggol na nasa sinapupunan ni Biay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakatigil ang mga biktima para lumiko sa Barangay Bari sa Mangaldan nang salpukin sila ng humaharurot na SUV.
"Itong motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima ay liliko doon sa may Baragay Bari. Noong naka-stop sila doon, mabilis itong [SUV] na dumaan. Sa bilis ng pagmamaneho nila, hindi na siguro napansin ang dalawa na liliko kaya nahagip niya doon sa likod," ayon kay Police Leiutenant Colonel Roldan Cabatan, hepe ng Mangaldan Police Station.
Labis ang padadalamhati ng mga magulang ni Biay sa biglang pagpanaw ng kanilang anak at magiging apo.
Panawagan nila, hustisya.
"Huwag mo siyang patulugin hanggang hindi siya sumusuko," emosyonal na mensahe ng ama sa pumanaw niyang anak dahil tumakas ang driver ng SUV.
Hinahanap na ng pulisya ang tumakas na driver.-- FRJ, GMA Integrated News