Nasawi ang isang lalaki, habang sugatan ang kaniyang kasama nang bigla na lang sumabog ang bahagi ng kinukumpuni nilang truck sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang nasawi na si Cesar Sambas, habang sugatan si Jomar Mirasol.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na company truck ng inaayos ng mga biktima sa Barangay Banauang.

Gumagamit umano ng grinder at welding machine ang mga biktima nang biglang mangyari ang pagsabog.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pagsabog, habang tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News