Natagpuang buhay ang isang lalaking dinukot, ginapos at pinagbabaril—at nabanggit pa niya ang pangalan ng bumaril sa kanya.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend, huli sa CCTV ang pagdukot ng tatlong kalalakihan sa isang lalaki sa Antipolo, Rizal. Nasa likod ang mga kamay ng biktima nang isakay siya sa isang puting SUV.

Makalipas ang isang oras, natagpuan na siyang nakahandusay, duguan, may tama ng bala at may gapos, pero buhay pa, sa isang lansangan sa Sitio Cabading, Barangay San Jose.

"Akala namin  talaga mamamatay na yung tao...may apat na tama sa may panga at isang daplis sa may ulunan, sa may bandang noo," ani Antipolo police chief Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo.

"He was kidnapped and supposed to be summarily executed kaso lang very strong yung will ng tao. He survived. He crawled to his life. Hanggang sa marecover siya ng isang tricycle driver at mahatid sa ospital."

Sa ospital, binanggit nn biktima ang pangalan ng bumaril sa kanya.

"Nabanggit niya po talaga yung pangalang 'Jack...Ito ay nag-ugat sa iligal na transaksyon....Yun ay parang paniningil sa kanya," dagdag ni Manongdo.

Naplakahan ang SUV na ginamit ng mga suspek kaya ipapaalerto ito ng PNP sa Land Transportation Office.

Magbabantay naman daw ang mga pulis sa ospital para sa seguridad ng biktima. — BM, GMA Integrated News