Nahuli-cam ang pagloloob ng dalawang binatilyo sa isang tindahan sa Calasiao, Pangasinan. Pati alkansiya na pinag-iipunan ng anak ng may-ari ng tindahan, tinangay.

Sa ulat ng Mornings with GMA Regional TV nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera sa labas ng tindahan na puwersahang binubuksan ng isang suspek ang ibabang bahagi ng pintuan ng tindahan sa Barangay San Miguel.

Nang maiangat na ang ilalim ng pintuan, dumating ang isa pang binatilyo na siyang pumasok sa loob ng tindahan.

Nakuha nila ang mahigit P8,000 halaga ng paninda at kita sa tindahan.

Tinangay din ng mga kawatan ang alkansiya na pinag-iipunan ng anak ng may ari ng tindahan.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad para mahuli ang dalawa.-- FRJ, GMA Integrated News