Biglang napaanak ang isang 22-anyos na ginang habang naglalakad sa basketball court ng isang barangay sa Mangaldan, Pangasinan. Ang sanggol, nasawi.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ni Jessery Gubatan, residente ng Barangay Nibaliw, na sa Oktubre pa dapat siya manganganak.
Kaya hindi niya inasahan ang biglang paglabas ng sanggol na pinangalanan nilang Baby Jessa.
"Hindi na po gumagalaw yung bata sa tiyan ko," sabi ng ginang. "Nung tinawag ko yung asawa ko bakit itong tiyan ko ang sakit-sakit na parang hindi gumagalaw yung bata."
Ayon sa ina ni Jessery na si Rebecca, "Naabutan sa daan. Nung tiningnan namin yung bata patay na pala. Hindi ko alam na ganoon ang mangyayari sa kaniya."
Sa death certificate, lumalabas na fetal anoxia and other placental insufficiency ang sanhi ng pagkamatay ng sanggol.
Paliwanag ni Dr. Rheuel Bobis, spokesperson, CHD-1, na ang anoxia ay pagkamatay ng sanggol dahil sa kawalan ng supply ng oxygen.
"Bakit siya nawalan ng supply ng oxygen? Kasi dahil sa placental insufficiency," dagdag niya.
Sinabi ni Jessery na habang ipinagbubuntis niya ang sanggol, may nakaaway siya na noon na nauwi sa pisikalan. -- FRJ, GMA Integrated News