Matapos maratay ng isang linggo sa ospital dahil sa tinamong pambubugbog, pumanaw na ang isang 20-anyos na criminology student sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Somorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Ronald Pescador, residente ng Barangay Mayombo sa nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, unang inireport sa kanila na naaksidente sa motorsiklo ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan.
Pero nang magsagawa sila ng imbestigasyon, lumilitaw na binugbog ng tatlong lalaki si Pescador.
"Puntahan niyo nga, mag-conduct kayo ng investigation [sabi ko]. Iyan ay binugbog ng tatlong kalalakihan, iyan ang lumalabas sa ating investigation at kilala na namin," ayon kay Police Leiutenant Brendon Palisoc, Officer in Charge, Dagupan City Police.
Wala rin daw nakitang gasgas sa motorsiklo na gamit ng biktima na magiging indikasyon na naaksidente ito.
Ayon kay Nathalie na ina ng biktima, gabi noong August 26 nang magpaalam ang anak na dadalo sa birthday party ng kaibigan sakay ng mororsiklo.
Nakausap pa raw niya ang anak na pauwi at sinabi nito na hindi naman siya nakainom.
Pero dakong 11:00 pm, nakatanggap siya ng tawag tungkol sa anak.
Nang puntahan nila ang biktima, nakita nila na may mga sugat ito sa ulo at katawan at dinala nila sa ospital.
Pero makaraan ang isang linggong pagkakaratay sa pagamutan, binawian na ng buhay ang biktima.
Humihiling ng hustisya ang naulilang kaanak ng biktima at nanawagan sila sa mga salarin na sumuko na. -- FRJ, GMA Integrated News