Nasawi ang isang 51-anyos na lalaki matapos siyang mahagip ng motorsiklo na minamaneho ng isang 21-anyos na rider sa Laoag City, Ilocos Norte.
Sa ulat ng Mornings with GMA Regional TV nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Robert Mendoza, residente ng Barangay 22 San Andres sa naturang lungsod.
Nangyari ang insidente sa kalye na malapit lang sa bahay ng biktima.
Dinala rin sa pagamutan dahil sa tinamong sugat ang nakadisgrasyang rider na si Edward John Gillermo, residente sa bayan ng Piddig sa Ilocos Norte.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na mabilis ang takbo ng motorsiklo at nakainom umano ang rider, na hindi nagbigay ng pahayag. --FRJ, GMA Integrated News